PhilHealth YAKAP Benefits: FREE Checkup, Laboratory and Medicines
Marami sa atin ang ginagamit lang ang PhilHealth kapag naospital. Pero alam n’yo ba na may PhilHealth YAKAP (Yaman ng Kalusugan Program) na nagbibigay ng libreng checkup, laboratory tests, piling gamot, at cancer screening kahit hindi ka pa naoospital? Ang layunin nito ay maagapan ang sakit bago pa ito lumala.

Para sa maraming Pilipino, malaking tulong ito lalo na kung regular kang nagpapatingin o may maintenance na iniinom.
Ano ang PhilHealth YAKAP?
Ang PhilHealth YAKAP ay ang pinalawak na primary care program ng PhilHealth. Dito, magkakaroon ka ng napiling YAKAP Clinic na magsisilbing regular na partner mo sa pangangalaga ng iyong kalusugan. Dito ka maaaring magpakonsulta, magpa-laboratory, at kung kinakailangan, mabigyan ng gamot o referral para sa karagdagang pagsusuri.
Anong mga benepisyo ang maaari mong makuha?
Depende sa payo ng doktor at sa iyong kondisyon, maaaring kabilang sa benepisyo ang:
- Libreng konsultasyon sa doktor
- Essential laboratory tests
- Piling maintenance at essential medicines
- Cancer screening para sa breast, liver, lung, at colorectal cancer kung kinakailangan at may referral
Kasama sa mga laboratory tests ang:
- Complete Blood Count (CBC)
- Fasting Blood Sugar
- Lipid Profile (Cholesterol)
- Creatinine
- Urinalysis
- Chest X-ray
- ECG
- Pap Smear
- Fecalysis
- at iba pang essential laboratory tests na irerekomenda ng doktor.
Isa sa pinakamagandang benepisyo
Ang hindi alam ng marami ay hindi mo kailangang maghintay ng isang taon bago muling magpa-laboratory.
Kung kailangan mo ng regular na monitoring, maaaring mag-request ang iyong doktor ng follow-up laboratory tests. Halimbawa, kung may diabetes, high cholesterol, o high blood pressure ka, maaari kang magpa-check ng ilang laboratory tests tuwing 3 buwan kung medically indicated. Mas madaling mamonitor kung epektibo ang gamot o kung may kailangang baguhin sa iyong treatment. Ang laboratory requests ay nakabatay pa rin sa assessment ng iyong doktor.
Sino ang maaaring mag-avail?
Magandang balita dahil hindi lang principal member ang sakop. Maaari ring makinabang ang mga qualified dependents tulad ng:
- Mga bata
- Senior citizens
- Persons with Disability (PWD)
- Kasambahay
- Solo parents
- At iba pang PhilHealth members at dependents.
Paano mag-register?
- Humanap ng accredited PhilHealth YAKAP Clinic.
- Mag-register o magpa-empanel sa napili mong clinic. Maaari rin itong gawin sa eGovPH app o PhilHealth Member Portal kung available.
- Dumaan sa iyong unang consultation o First Patient Encounter.
- Sundin ang payo ng doktor at bumalik para sa follow-up kung kinakailangan.
Ilang paalala
- Sa public YAKAP clinics, hindi dapat maningil para sa covered YAKAP services.
- Kung private YAKAP clinic ang napili mo, may limitasyon ang annual co-payment ayon sa PhilHealth guidelines.
- Ang laboratory tests at gamot ay ibinibigay batay sa medical assessment ng doktor at hindi awtomatikong lahat ay makukuha sa bawat pagbisita.
Sulitin ang benepisyong binabayaran mo
Kung nagbabayad ka ng PhilHealth contribution, magandang sulitin ang mga benepisyong kasama nito. Hindi lang ito para sa oras na maospital ka. Mas mahalaga ang pag-iwas sa sakit at maagang pagtuklas ng anumang kondisyon, dahil mas madali at mas mura itong gamutin.
Kung matagal ka nang hindi nagpapatingin sa doktor o nagpapa-laboratory, baka ito na ang tamang panahon para alamin kung may accredited PhilHealth YAKAP Clinic malapit sa inyong lugar at simulang gamitin ang benepisyong ito.
Leave a Reply